LEGAZPI CITY – Nakubkob ng mga militar ang pinaniniwalaang kampo ng New People’s Army (NPA) sa Brgy. Balete, Aroroy, Masbate.

Ayon sa impormasyon mula sa Aroroy Municipal Police, umatake sa naturang lugar ang hindi pa malamang bilang ng pinaniniwalaang NPA members habang nasa combat operation ang Charlie Company ng 2nd Infantry Batallion at 96th Military Intelligence Company sa pangunguna ni Lt. Jed Joseph Dandasan.

Nakarinig aniya ang operating units ng pagsabog at putok ng baril kaya mabilis na ipinosisyon ang sarili upang makaganti ng putok.

Agad namang umatras ang naturang mga armadong kalalakihan.

Subalit ng magsagawa ng clearing operations, nadiskubre ang siyam na bagong tayo na kubo sa encounter area.

Kaugnay nito, nagbaba naman ng direktiba ang Masbate Police Provincial Office sa mga hepe ng kalapit na police units ng Aroroy para sa intelligence monitoring at checkpoint upang mahuli ang mga suspek.