-- Advertisements --

Binigyang-diin ng Department of Health (DOH) na hindi lamang community quarantine ang solusyon para malabanan ang COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergerie, hindi uubrang habambuhay na tayong naka-lockdown at kailangang balasehin ang kalusugan at ekonomiya.

Ayon kay Usec. Vergeire, kung maisasantabi ang aspeto ng ekonomiya at hindi makakapaghanap-buhay, gutom naman ang aabutin ng mga tao at ibang sakit naman ang lalabas sa populasyon.

Iginiit ni Usec. Vergeire na may ibang interventions na pwedeng gawin gaya ng mahigpit na pagpapatupad ng minimum health standards sa publiko.

“So kung ibabalik po ba natin dahil sa ganito? Katulad po ng sinabi ko kahapon sa media forum, kailangan po natin isipin na hindi lang po community quarantine ang puwedeng intervention para malabanan po natin ang pandemyang ito, marami pa hong ibang interventions na ginagawa tayo that we can see that it can work if all of us will work together. Sinabi na rin po ng mga eksperto, we cannot remain to be in lockdown forever; we have to balance between health and economics,” ani Usec. Vergeire.