Ipinahayag ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang suporta sa kampanya kontra-korapsyon ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon, sa pamamagitan ng pagsuporta ng matibay na ebidensya laban sa ilang tiwaling opisyal ng ahensya.
Ayon kay Lacson, na unang naglantad ng mga substandard at ghost flood control projects sa kanyang privilege speech noong Agosto 20, magsisilbi hindi lamang bilang patunay kundi babala ang mga ebidensyang kanyang hawak upang matakot ang iba pang nagnanais sumunod sa maling gawain.
“Godspeed, Sec. Vince Dizon. May the force be with you to cleanse the DPWH of greed and self-aggrandizement. My office will provide you with damning evidence against some ‘low hanging rotten fruits’ but will instill fear so that others will think twice before following their bad examples,” ani Lacson sa isang post sa X.
Gayunman, pinaalalahanan din niya si Dizon na unahin ang pangangalaga sa kanyang kalusugan habang tinutugunan ang laban kontra katiwalian.
Binigyang-diin pa ni Lacson na dapat tiyakin ang pagpataw ng parusa—mula sa pagsasampa ng kaso hanggang sa pagkakakulong—upang tuluyang maputol ang iregularidad sa mga proyekto ng DPWH.
Ibinahagi rin ni Lacson na tinatapos na niya ang ikalawang bahagi ng kanyang “Flooded Gates of Corruption” at muli siyang magtatalumpati sa Setyembre 10.
Una na niyang sinabi na magsasagawa siya ng panibagong privilege speech sakaling makahanap ng karagdagang ebidensya ng anomalya sa flood control projects.