Ibinasura ng Senate Blue Ribbon Committe ang kahilingan ni dating Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) Officer in charge Lloyd Christopher Lao na bigyan siya ng clearance para gamitin sa kahilingan niya sa Bureau of Immigration (BI) na i-lift na ang lookout bulletin laban sa kanya.
Ayon kay Senate Blue Ribbon Committee Chair Senador Francis Tolentino na batay sa kanilang secret balloting, ang desisyon ng kumite ay hindi aprubahan ang hiling ni Lao.
Dagdag pa ni Tolentino na sa 17 na miyembro ng komite, 10 ang bumoto para sa denial ng hiling, lima ang pabor sa clearance, at dalawa naman ang nag-abstain sa botohan.
Magugunitang, hiniling ni Lao na bigyan siya ng clearance ng komite para isumite niya sa Bureau of Immigration (BI) upang alisin na ang lookout bulletin laban sa kanya at malaya nang makabiyahe sa ibang bansa.
Ang lookout bulletin ay inilabas ng Bureau of Immigration (BI) batay sa hiling ng dating komposisyon ng 18th Congress Senate Blue Ribbon Committee dahil sa pagkakasangkot nito sa kontrobersiya sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.