Wala umanong bisa o kapangyarihan ang kahilingan ng Senado na ilagay sa house arrest si dating Pangulong Rodrigo Duterte ayon kay ICC Accreted Lawyer at Center for International Law Executive Director Atty. Gilbert Andres.
Ito’y matapos makakuha ng 15 boto ang senado na nag-aapruba ng agarang panawagan sa International Criminal Court (ICC) na bigyan ng house arrest si Duterte.
Hinimok ng resolusyon ang ICC na magtalaga ng doktor upang suriin ang kalusugan ni Duterte at tukuyin kung kaya pa nitong tiisin ang regular na pagkakakulong.
Kung mapatunayan ng doktor na maaaring lumala pa ang kanyang kondisyon sa kasalukuyang detention, hinihiling ng Senado na payagan siyang manatili sa house arrest.
Ngunit ayon Atty. Andres, walang kapangyarihan ang kahilingan ng Senado na ilagay sa house arrest si Duterte.
Paliwanag pa ni Atty. Andres, walang political consideration ang International Criminal Court (ICC), at ang tanging batayan lamang nito sa pagdedesisyon ay ang Rome Statute at ang mga isinumiteng ebidensya.
Nang tanungin naman kung may naunang kaso kung saan may kaparehong resolusyong inihain sa ICC, sinabi ni Andres na wala siyang matandaang may ganitong pangyayari.