-- Advertisements --

Agas na ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paglalaan ng PhP200 million na tulong pinansyal para sa mga lokal na pamahalaan sa probinsya ng Cebu, na labis na naapektuhan at napinsala ng magnitude 6.9 na lindol .

Layon ng hakbang na ito ng Pangulo na mapabilis ang ang pagbangon at rehabilitasyon ng mga komunidad na nasalanta ng kalamidad sa naturang lalawigan.

Sa naging personal na pag-iinspeksyon sa Bogo City. sinabi ng Pangulo na ang agarang pagkakaloob ng P50 million na tulong sa pamahalaang panlalawigan ng Cebu.

Bukod pa rito, naglaan din siya ng tig-PhP20 million para sa Bogo City, Sogod, at San Remigio, mga lugar na nakaranas ng matinding pinsala.

Samantala, ang mga munisipalidad ng Bantayan, Daanbantayan, Madridejos, Medellin, Santa Fe, Tabogon, at Tabuelan ay makakatanggap ng tig-PhP10 million na tulong.

Bilang karagdagan sa tulong para sa mga lokal na pamahalaan, ipinag-utos rin ng Pangulo ang paglalaan ng tig-PhP20 million para sa mga ospital ng Department of Health (DOH), at tig-PhP5 million para sa mga provincial hospitals ng Cebu.

Ipinag-utos din ng Pangulo ang paglalaan ng PhP150 million mula sa Local Government Support Fund para sa pamahalaang panlalawigan ng Cebu, at tig-PhP75 million para sa mga LGU ng San Remigio, Bogo City, at Medellin.