STAR FM CEBU -Arestado ang dalawang kapatid matapos makunan ng P200,000 halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Sitio Libo, Barangay Tayud, bayan ng Consolacion Cebu nitong Sabado.

Kinilala ang mga naarestong sina Richard Abucay, 38 anyos; at Filjune Abucay, 30 anyos na parehong naninirahan sa nasabing lugar.

Ayon pa kay Police Executive Master Sergeant Jodiel Orcullo ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) ng Cebu Police Provincial Office (CPPO), nakumpiska mula sa dalawa ang 22 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng aabot sa P204,000.

Target ng kanilang operasyon si Richard matapos na siya ay makalaya mula sa bilangguan noong Hulyo 2019 nang mag-avail ng isang plea bargain.

Ilang buwan pa matapos makalaya si Richard, sinabi ni Orcullo na bumalik ito sa pagbebenta ng iligal na droga.

Kasalukuyang nakakulong sa CPPO detention facility sa Barangay Lahug Cebu City at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.