-- Advertisements --

Iniulat ng Commission on Audit (COA) na mahigit P138 bilyong proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) noong 2024 ang naantala o hindi maayos ang pagpapatupad dahil sa kakulangan sa planning, engineering, at monitoring, pati na rin sa masamang panahon, problema sa right-of-way, at mabagal na paglabas ng permit.

Ayon sa 2024 audit report, 1,435 proyekto (P77.4B) ang hindi natapos sa takdang oras, 523 proyekto (P33.6B) ang nasuspinde, 491 (P19.2B) ang may malaking slippage, habang 114 proyekto (P6.72B) ang hindi pa nasisimulan at 33 (P1.29B) ang tuluyang na-terminate.

Nadiskubre rin ng COA na mahigit P1.9B na proyektong idineklarang “100% complete” ang may depekto sa aktwal na inspeksiyon, kabilang ang mga proyekto sa CAR, MIMAROPA, Western Visayas, at Northern Mindanao. May 48 proyekto pa na fully paid ngunit hindi ganap na natapos.

Iminungkahi ng COA na paghusayin ng DPWH ang koordinasyon at monitoring, papanagutin ang mga contractor na may delay, iwasan ang maling pagdedeklarang tapos na ang proyekto, at siguruhing maayos ang planning at kapasidad ng mga contractor upang maiwasan ang karagdagang pagkaantala.