Aprubado na ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng special allotment release order (SARO) na nagkakahalaga ng P1.04 billion sa Department of Health (DoH) para sa special risk allowance ng eligible public and private health workers na sangkot sa direktang pag aalaga sa mga pasyente ng covid 19.
Sinabi ng ahensya na ang P1.04 billion ay para sa 55, 211 healthcare workers na hindi pa nabayaran ang kanilang special risk allowance.
Makakakuha ang mga ito ng tig-P5,000 kada buwan ng kanilang pagsi serbisyo sa panahon ng state of national emergency.
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, maituturing na kwalipikadong health workers ang medical, allied medical at iba pang personnel na nakatalaga sa mga ospital at health care facilities at direktang nag aalaga sa mga pasyente ng COVID-19, persons under investigation at persons under monitoring.
Ang pagpapalabas ng pondo para sa SRA ay alinsunod sa Republic Act 11494 o kilala bilang Bayanihan to Recover as One Act.
Sa ngayon, sinabi ng departamento na umaabot na sa P11.857 billion ang kabuuang halagang naipalabas na para sa allotment ng special risk allowance.