-- Advertisements --

Naniniwala si House Speaker Martin Romualdez na napapanahon ang direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos na suspendihin ang pag-aangkat ng bigas sa loob ng animnapung araw simula sa September 1.

Layon ng hakbang ng Pangulo na protektahan ang mga magsasaka at pagbibigay ng pagkakataon na i-realign ang mga prayoridad sa food security.

Higit pa aniya ito sa policy shift kundi pagtindig para sa mga magsasaka at isang patunay na hindi mapag-iiwanan ang nagpapakain sa bawat Pilipino.

Inilarawan ni Romualdez ang desisyon ng pangulo na matapang na tugon sa mga hinaing ng mga magsasaka at agriculture stakeholders na nananawagan ng tulong laban sa murang imported na bigas na nakakaapekto sa presyo ng lokal na palay.

Magsisilbi umanong mahalagang oportunidad ang dalawang buwang suspensyon upang muling itaguyod at patatagin ang pundasyon ng domestic rice industry.

Iginiit pa ng Speaker na matagal nang naghihirap ang mga magsasaka at bawat panahon ng ani ay lubhang bumabaha ng imported na bigas at dinodomina ang merkado.

Hinimok naman ni Romualdez ang mga ahensya ng gobyerno na gamitin ang suspension period upang habulin at panagutin ang mga nasa likod ng hoarding, price manipulation at iba pang mapang-abusong gawain na nakakaapekto sa mga magsasaka at consumers.