Nakapag-detect pa ang Department of Health (DOH) ng karadagdang 910 ng mas nakakahawang Omicron subvariants na BA.5, BA.4, at BA.2.12.1.
Ayon kay Health officer-in-charge at Undersecretary Maria Rosario Vergeire umaabot sa 816 cases ng omicron BA.5 ang kanilang natukoy, habang ang 52 ang BA2.12.1, at 42 naman ang BA.4.
Sinasabing ang lahat umano na mga rehiyon sa Pilipinas ay nakapagtala ng Omicron BA.5 liban lamang sa lugar ng Bangsamoro.
Sinabi pa ni Vergeire na nasa 12 na mga additional BA.5 cases ay natunton mula sa ilang returning Filipinos.
Sa nasabing bilang na 816 na mga pasyente na taglay ang BA.5 cases, ang 686 sa mga ito ay nakarekober na, 78 ang nasa ilalim pa ng isolation habang ang beniberipika pa ang status ng natitirang 52.
Lumalabas din sa pagsusuri na kabuuang 560 ang mga fully vaccinated, habang hindi pa matukoy kung bakunado na ang nasa 256 na mga pasyente.
Nilinaw din ng DOH na ang additional na 52 mga pasyente na tinamaan ng Omicron variant na BA.2.12.1 cases, ang 49 sa mga ito ay nakarekober na at tatlo pa ang beniberipika.
Ang 26 naman sa mga pasyente ay fully vaccinated, ang lima ay partially inoculated, at beni-verify pa ang 21 sa mga ito.
Kinumpirma rin naman ni Usec Vergeire na apat sa BA.2.12.1 cases ay mga returning Filipinos, habang ang ibang mga pasyente ay nagmula sa mga lugar ng Metro Manila, Cordilleras, Central Luzon, Calabarzon, Bicol region, Western Visayas, Central Visayas, Zamboanga Peninsula, Davao region, at Caraga.
Samantala, kabuuang 42 ang natukoy na BA.4 cases kung saan ang 36 sa mga ito ay nakarekober at ang lima ay nasa isolation.
Ang 31 namang mga pasyente ay fully inoculated at isinasailalim pa sa pag-verify ang status ng vaccination ang natitirang 11.
Ang tatlo naman sa BA.4 cases ay mga returning Filipinos, habang ang ibang mga pasyente ay nagmula sa Metro Manila, Soccksargen, Davao, Western Visayas, Bicol region, Calabarzon, Cordilleras, at Bangsamoro.
Inamin naman ni Usec. Vergeire na hindi pa nila natukoy kung saan nahawa ang nasabing mga bagong kaso ng Omicraon variant sa Pilipinas at ang travel histories ng mga pasyente.
Una na ring iniulat ng DOH na nakapagrekord ang bansa ng 14,640 mga bagong COVID-19 cases sa nakalipas na linggo na nagpapakita ng 40-percent increase kumpara sa naunang linggo.
Bago ito ay sinabi ng DOH na hindi na kailangan ang mas mahigpit na border controls para sa pagharang sa bagong Omicron subvariants na BA.2.75 at BA.5.2.1.
Nito lamang araw, naglabas ng report ang Centers of Disease Control and Prevention na doon sa Amerika ay laganap ang mga nahahawa sa Omicron subvariant BA.5 at sinasabing apat na beses na nakakalagpas sa COVID-19 vaccines.