KALIBO, Aklan —Naghahanda na ang Department of Education (DepEd) Region 6 para sa gaganaping mass oath-taking ng nasa 8,493 na newly promoted teachers at principals mula sa Western Visayas na isasagawa sa lalawigan ng Capiz.
Sa kabila nito, nilinaw ni DepEd Region 6 spokesperson Hernani Escullar Jr., na pina-finalize pa nila ang ilang detalye mula sa central office lalo na sa petsa ng naturang event.
Gaganapin ang seremonya sa Villareal Stadium sa Roxas City na inaasahang dadaluhan ng libu-libong participants.
Kabilang sa dadalo ang mga bagong na-promote na guro mula sa iba’t-ibang Schools Division Offices ng Capiz, Aklan, Antique, Guimaras, Iloilo, Iloilo City, Passi City, at Roxas City.
Dagdag pa ni Escullar na maaring ito ang isa sa pinakamalaking mass oath-taking para sa mga guro sa buong bansa.
Kasama sa tinututukan ng lokal na pamahalaan ng Capiz ang logistical preparations upang masiguro ang maayos na daloy ng programa, gayundin ang traffic management at mga protocol sa kaligtasan para sa inaasahang malaking bilang ng mga dadalo.
Magtatalaga rin ng mga trained security personnel upang mapanatili ang kaayusan at masiguro ang kaligtasan ng lahat ng mga dadalo sa seremonya.
Sa kasalukuyan ay wala pang kumpirmasyon kung dadalo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at DepEd Secretary Sonny Angara upang pangunahan ang mass oath taking.
















