-- Advertisements --

CEBU CITY — Isinilid ngayon sa storage facility ng Vicente Sotto Memorial Medical Center (VSMMC), lungsod ng Cebu ang higit 7,000 doses ng Sinovac COVID-19 vaccine.

Ito’y matapos na nakarating sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA) ang naturang mga bakuna sa oras na 7:44 ng umaga sakay sa isang Philippine Airline flight.

Umabot naman sa halos kalahating minuto ang pag-transport ng mga doses sakay ng refrigerated van patungo sa itinakda nitong storage facility.

Ayon kay Department of Health (DOH)-7 Spokesperson Dr. Mary Jean Lorreche na unang bibigyan ng bakuna ang mga health workers ng nasabing pagamutan.

Sinabi rin nito na dadating din sa Cebu ang isa pang batch ng Sinovac vaccines ngayong Marso 4 upang i-allocate ito sa mga publiko at pribadong pagamutan.

Ligtas naman ang pag-transport ng mga bakuna dahil mahigpit itong binabantayan ng mga pulis.

Samantala, napansin ng VSMMC chief na si Dr. Gerardo Aquino na higit 700 lang na medical workers ang pumayag na mabigyan ng nasabing bakuna.

Mas mataas pa ito, aniya, sa inisyal na 2,900 na medical frontliners na nakatakda sanang bakunahan.

Ngunit giniit ni Dr. Aquino na kailangan pa ring mabakunahan ang mga kasamahan nitong doktor at nurse ng pagamutan matapos ang halos isang taon nitong pakikipaglaban sa pandemya.