-- Advertisements --

Mahigit 7 million pa ang sa 18 million target beneficiaries ng Assistance to Individuals in Crisis Program (AICS) sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan ang hindi pa rin nakakatanggap ng ayuda sa gitna ng COVID-19 ciris.

Base sa ika-anim na report ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso, sinabi nito na 10,292,435 pa lamang sa 18,046,093 na target beneficiaries ng AICS ang nakatanggap ng P5,000 hanggang P8,000 emergency cash subsidy hanggang noong Mayo 1, 2020 para sa unang tranche ng naturang programa.

Sa naturang bilang, 3,806,111 dito ay mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps); 6,445,906 ang mga non-4Ps; at 40,418 ang mga TNVS at PUV drivers sa National Capital Region.

Mula sa mahigit P98 billion downloaded amount ng DSWD sa mga local government units, sinabi ng Pangulo sa report nito na P54 billion na ang kabuuang halaga na natatanggap ng mga benepisyaryo ng AICS.

Sa naturang halaga, mahigit P16 billion ang naipahatid na sa mga 4Ps beneficiaries; mahigit P37 billion ang naibigay na sa mga non-4Ps beneficiaries; at mahigit P323 million naman ang naipaabot na sa mga TNVS at PUV drivers sa NCR.