-- Advertisements --

Binigyang linaw ng Department of Justice ang naging desisyon ng Court of Appeals sa naging hatol kay Leila De Lima ukol sa kasong kinaharap nito na may kinalaman sa ilegal na droga. 

Kung saan, pinabulaan ng naturang kagawaran ang pagbaliktad umano sa naging hatol na ‘acquittal’ o pag-absuelto kay dating Senador at ngayo’y incoming Congresswoman Leila De Lima. 

Naniniwala kasi ang Department of Justice (DOJ) na walang magbabago rito at sinabi pang posibleng manatili ang ‘acquittal’ decision ng hukuman pabor sa panig ni Congresswoman-elect De Lima. 

Ito mismo ang ibinahagi ni Justice Assistant Secretary at Spokesperson Mico Clavano kaugnay sa ginawang bagong hakbang ng Court of Appeals kamakailan lamang.

“Mukhang mag-i-stay ang po yung acquittal niya, uhm we will… it is believed na status quo muna ang desisyon ng RTC habang nilitis pa po ito sa Court of Appeals…,” ani Assistant Secretary at Spokesperson Mico Clavano ng Department of Justice.

Samantala, binigyang diin naman ng naturang tagapagsalita na hindi si former Senator Leila De Lima ang sentro sa inihaing petisyon ng Court of Appeals. 

Aniya’y ang petition for certiorari ay para ipagpaliwanag ang Regional Trial Court Branch 204 ng Muntinlupa, kung bakit inabsuelto ang dating senador sa kaso nitong may kinalaman sa ilegal na droga. 

Nakasaad kasi sa kanilang dokumento o desisyon na nagkaroon raw ng grave abuse of discretion sa parte ng mababang hukuman kasunod ng paghawak nito sa naturang kaso. 

Kaya naman maisa pang ulit na nilinaw ni Justice Assistant Secretary Mico Clavano na hindi damay ang mga merito sa kaso ni dating senador Leila De Lima kundi ito ay higit na patungkol sa nabanggit na regional trial court. 

Giit kasi niya na ang Muntinlupa Regional Trial Court Branch 204 ang pinag-uusapan rito na ipinagpapaliwanag o nais tukuyin ng Court of Appeals kung siyang tunay na nagkaroon ng grave abuse of discretion sa paghawak ng naturang kaso.