-- Advertisements --

Dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kagabi ang 336 OFWs mula sa Maldives lulan ng isang chartered Philippine Airlines flight.

Stranded ang mga OFWs na ito sa naturang island nation dahil sa COVID-19 pandemic.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) karamihan sa mga OFWs na ito ay nagtatrabaho sa tourism industry.

Sinabi ni DFA principal assistant Pete dela Fuente na kinailangan sunduin ang mga stranded na OFWs sa Maldives dahil walang embahada ng Pilipinas doon.

Ang pinakamalapit aniyang Philippine Embassy sa Maldives ay sa Dhaka, Bangladesh pa, pero ayon kay Dela Fuente, walang direct flights papunta doon.

Samantala, nakarating na rin ng Pilipinas ang 337 seafarer OFWs mula Italy sakay ng magkakaibang flights.

Mga manggagawa sila sa Costa Cruise ships.

Sumailalim sa interview ang lahat ng mga dumating ng OFWs para hingian ng kanilang contact details at iba pang impormasyon.

Bukod dito, sumailalim na rin ang mga ito sa rapid antibody test para sa COVID-19.

Iginiit ni Dela Fuente na sa Maldives pa lang ay inalam na ang health condition ng mga OFWs pati noong bago sila bumaba sa sinakyang eroplano.

Kahit isa aniya sa mga ito ay hindi nakitaan ng sintomas ng COVID-19.

Ang mga dumating na OFWs ay sasailalim sa mandatory 14-day quarantine.

Ang mga nanggaling sa Italy ay diniretso sa mga hotels habang ang mga nanggaling naman sa Maldives ay idiniretso sa World Trade Center.