Nagpulong sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Prime Minister Anutin Charnvirakul ng Thailand sa Cebu matapos ang matagumpay na 48th ASEAN Summit. Layon ng pag-uusap na lalong paigtingin ang matagal nang samahan ng dalawang bansa.
Tinalakay ng dalawang lider ang iba’t ibang estratehiya para mapalakas ang ugnayang bilateral.
Kabilang sa mga napag-usapan ang pagpapadalas ng high-level exchanges, pagpapalago ng kalakalan at ekonomiya, at pagpapatibay ng ugnayan ng mga mamamayan ng Pilipinas at Thailand.
Binigyang-diin din nina Pangulong Marcos at PM Charnvirakul ang kahalagahan ng pagtutulungan laban sa transnational crimes o mga krimeng tumatawid sa mga hangganan ng bansa.
Bukod sa lokal na isyu, nagpalitan din sila ng kuro-kuro tungkol sa mga hamong kinakaharap ng rehiyon at ng buong mundo.
Muling pinagtibay ng dalawang lider ang kanilang pangako sa pagkakaisa ng ASEAN at ang pagsisiguro na mananatili ang kapayapaan at katatagan sa Southeast Asia.
















