Nag-utos si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga ahensya ng pamahalaan na agad tulungan ang mga komunidad na naapektuhan ng ashfall mula sa Mayon Volcano, partikular sa mga bayan ng Guinobatan at Camalig sa lalawigan ng Albay.N
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), puspusan na ang isinasagawang response operations ng pamahalaan upang maprotektahan ang kalusugan ng publiko, matiyak ang kaligtasan ng mga residente, at mapanatiling bukas ang mga kalsada at mahahalagang serbisyo sa mga apektadong lugar.
Nanguna ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa clearing operations upang alisin ang makapal na abo sa mga pangunahing kalsada at masiguro ang ligtas na pagbiyahe ng mga residente at emergency responders.
Samantala, nagkakaloob naman ng tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pamilyang nasa evacuation centers. Kabilang dito ang libo-libong family food packs, ready-to-eat meals, at iba pang relief supplies na naka-preposition sa buong Bicol Region.
Nagpakilos na rin ang DSWD Field Office 5 ng pamamahagi ng ready-to-eat food boxes at sleeping mats, habang inihahanda ang mobile kitchen upang makapagluto ng mainit na pagkain sakaling tumagal ang pananatili ng mga evacuee.
Ayon sa DSWD, umabot na sa P39.6 milyon ang naipamahaging ayuda, kabilang ang P11.3 milyon para sa Emergency Cash Transfer at P28.3 milyon sa ilalim ng Cash-for-Work program na napakinabangan ng mahigit 2,000 magsasaka na naapektuhan ng aktibidad ng bulkan.
Sa pinakahuling tala, higit 300,000 family food packs at mahigit 7,000 ready-to-eat food boxes na ang naipamahagi sa mga apektadong residente sa rehiyon.
Nag-deploy din ang Department of Health (DOH) ng N95 masks, mobile clinics, at water stations upang tugunan ang mga problemang pangkalusugan tulad ng ubo, hirap sa paghinga, at iritasyon sa mata dulot ng ashfall.
Sa tulong naman ng Department of the Interior and Local Government (DILG), ipinakalat ang Bureau of Fire Protection (BFP) para sa water spraying at paglilinis ng abo sa mga komunidad.
Pinangungunahan ng Office of Civil Defense (OCD) at ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang mahigpit na pagpapatupad ng evacuation at patuloy na monitoring sa mga high-risk area.
Iniutos din ng Pangulo ang masusing pagbabantay sa mga ilog at daluyan ng tubig dahil sa banta ng lahar, lalo na kung makararanas ng malakas na pag-ulan.
Habang pinapayuhan naman ang mga residente na manatiling alerto, manatili sa loob ng bahay hangga’t maaari, magsuot ng protective mask, at sundin ang mga abiso ng kanilang lokal na pamahalaan.
















