Tiniyak ng Malacañang na nagpapatuloy ang paghahanap ng pamahalaan kay dating kongresista Zaldy Co sa kabila ng pag-archive ng Sandiganbayan sa graft case laban sa kanya dahil sa kabiguang maaresto siya sa loob ng mahigit anim na buwan.
Sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na hindi pinababayaan ng mga awtoridad ang kanilang tungkuling hanapin si Co, na nahaharap sa mga kasong graft at malversation kaugnay ng umano’y maanomalyang road dike project sa Naujan, Oriental Mindoro.
Binigyang-diin din ni Castro na ang pag-archive ng kaso ay isang procedural na hakbang lamang at hindi nangangahulugang ibinasura na ang mga kasong isinampa laban kay Co.
Aniya, pansamantalang inalis lamang ang kaso sa listahan ng mga aktibong dinidinig ng korte at agad itong ibabalik sa regular na proseso kapag naaresto na ang dating mambabatas.
Pagpapaliwang pa ni Castro na humihinto rin ang pagtakbo ng prescriptive period habang naka-archive ang kaso, kaya hindi mawawala ang pananagutan ni Co kahit tumagal pa ang kanyang pananatili sa labas ng bansa.
Matatandaan na dating chairman ng House Committee on Appropriations si Co at isa sa mga pangunahing personalidad na iniuugnay sa umano’y anomalya sa mga flood control project. Noong Nobyembre 2025, naglabas siya ng mga video sa social media na nag-uugnay kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating House Speaker Martin Romualdez sa umano’y kickback scheme.
Umalis si Co ng Pilipinas noong Hulyo 2025 gamit ang travel authority para sa medical treatment.
Nagpalabas ang Sandiganbayan ng warrant of arrest laban sa kanya noong Nobyembre 21, 2025.
Noong Abril, sinabi ni Marcos na sisikapin ng pamahalaan na maibalik si Co sa bansa matapos itong maiulat na naaresto sa Czech Republic dahil sa umano’y paglabag sa immigration laws. Kalaunan, kinumpirma ng Malacañang na wala na siya sa kustodiya ng Czech authorities at naghain ng aplikasyon para sa political asylum sa France.
















