-- Advertisements --

Lumagpas na sa 39,000 ang mga nahuli ng PNP na lumalabag sa health protocols sa Metro Manila sa nakalipas na tatlong araw ng pagpapatupad ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).

Sa nasabing bilang, halos 26,000 ang nahuli sa paglabag sa minimum public health standards.

Nasa 11,000 naman ang nasita sa paglabag sa uniform curfew hours; habang mahigit 2,400 ang mga nahuling non-authorized persons outside of residence.

Ayon sa PNP JTF Covid Shield, kung isasama ang mga nahuli sa mga karatig lalawigan ng Metro Manila na kabilang sa NCR plus sa nakalipas na tatlong araaw, ang kabuuang bilang ng mga violators ng iba’t ibang health protocols ay aabot sa mahigit 121,000.

Sa buong bansa naman ay mahigit 178,000 ang mga nahuli sa nakalipas na tatlong araw.

Una nang sinabi ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar na paulit ulit na lang ang paalala ng PNP sa publiko na sumunod sa quarantine protocols para narin sa kanilang sariling kaligtasan, pero marami pa rin ang pasaway.