LA UNION – Magsasagawa agad ng pre-disaster assessment ang Provincial Disaster Risk Reduction and Mangement Office (PDRRMO) sa naging epekto ng malawakang pagbaha na dulot ng malakas na buhos ng ulan sa buong La Union.
Nabatid ng Bombo Radyo na umaabot sa 33 pamilya o katumbas ng 108 katao ang mga inilikas sa mga evacuation center at sa mga ligtas na lugar.
Sa naturang bilang, 63 katao o 21 pamilya ang dinala sa mga evacuation centers sa San Fernando City, habang 12 pamilya o 45 katao sa bayan ng San Juan, La Union.
Ilang bayan naman sa lalawigan gaya ng Bagulin at San Juan ang nakapagtala ng landslide.
Samantala, kung ihahambing kagabi na mistulang ilog ang pangunahing kalsada dahil sa hanggang baywang na taas ng tubig lalo na sa national highway sa San Fernando ay mga nakakalat na debris na ang makikita ngayon matapos humupa ang baha.
Passable na rin sa lahat ng uri ng sasakyan ang mga kalsada pero patuloy ang clearing operation.
Inihahanda na rin ng PDRRMO ang mga tulong na ipapamahagi sa mga malubhang apektado ng baha.
Sa ngayon, nanatiling makapal ang ulap sa himpapawid at nakakaranas ng pag-ambon sa Lungsod ng San Fernando.