Pinatutsadahan ni Senate President Alan Peter Cayetano ang minorya ng Senado kaugnay sa mga batikos sa kaniyang pamumuno.
Sa pulong balitaan nitong Biyernes, Mayo 15, 2026, iginiit ni Cayetano na tila nakatuon umano ang pansin ng bagong minorya sa 2028 National Elections kaysa sa kasalukuyang trabaho ng Senado.
“Kayo sa Minority, mas importante sa inyo ang 2028 [elections]… ang Senate presidency?” ani Cayetano.
Pinabulaanan din niya ang mga alegasyong naging magulo umano ang Senado mula nang maupo siya bilang lider ng kapulungan.
“You’re willing to see the Senate that way, and you’re willing to join the narrative, to flip the narrative to say, ‘Since I got here, magulo na ang Senate,’” saad pa niya.
“Kailan naging crime ang maging Senate president?” dagdag ni Cayetano.
Noong Lunes, Mayo 11, nagsagawa ng Senate coup ang Duterte bloc na kinabibilangan ni Cayetano, na nagresulta sa pagpapatalsik kay Sen. Tito Sotto III bilang Senate President.
Sa botong 12-9, nakuha ni Cayetano ang liderato ng Senado, habang nag-abstain naman sina Sen. JV Ejercito at Sen. Migz Zubiri.
Kasunod ng reorganisasyon, idineklarang bakante ang lahat ng posisyon sa Senado, kabilang ang mga committee chairmanships, na naging dahilan ng pagkansela ng ilang pagdinig ng mga komite.
Si Cayetano na ngayon ang ikatlong Senate President mula nang magbukas ang 20th Congress noong 2025.
Matatandaang si Sen. Chiz Escudero ang unang Senate President ng 20th Congress bago siya mapatalsik matapos ang kudeta na pinangunahan noon ng paksyon ni Sotto.
Naging kontrobersyal din ang pag-upo ni Cayetano bilang Senate President matapos ang insidente ng umano’y barilan sa pagitan ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) at mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa nakaambang pag-aresto kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa noong Miyerkules, Mayo 13.
















