Maaring itaas pa rin sa yellow alert ang Luzon grid dahil sa manipis na reserbang kuryente ngayong araw, Mayo 15, 2026.
Ayon kay Department of Energy (DOE) Usec. Mario Marasigan, naayos na ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang dalawang nasirang transmission lines, partikular ang Tayabas-Ilijan at Ilijan-Dasmariñas 580 kV Transmission Lines.
Dahil dito, nakapagbigay na rin ng supply ang Excellent Energy Resources Units 1 at 2 ng Batangas na na-isolate nang masira ang Ilijan-Dasmarinas Transmission Line.
Naayos na rin ang Masinloc Unit 3 na nasa Zambales na nagkaaberya kahapon.
Gayunman, hinihintay pa ng DOE ang detalyadong ulat ng NGCP ukol dito.
Samantala, sa bahagi ng Visayas naman, ipinaliwanag ni Marasigan na ang matinding tag-init ang sanhi ng mas mababang kapasidad ng mga power generation facility.
Inoobserbahan na rin ang iba pang pasilidad ng NGCP upang maagapan sa posibleng mga aberya. (report by Bombo Jai)
















