-- Advertisements --

Kinuwestiyon ni dating senador na si Antonio Trillanes IV ang nangyaring putukan sa loob ng Senado kaugnay ng tangkang pag-aresto kay Ronald “Bato” dela Rosa noong Martes, Mayo 13, at tinawag itong tila “stage” o planadong insidente.

Ayon kay Trillanes, kapansin-pansin umano ang naging kilos ng mga sangkot sa tensiyon dahil tila alam na agad ng mga ito ang kanilang gagawin bago pa man makarating sa lugar ng pinangyarihan.

Sinabi rin niya na tila naisakatuparan umano ng mga nasa likod ng insidente ang kanilang layunin na mailihis ang atensiyon ng publiko at mabigyang-daan ang pagtakas ni dela Rosa, na umano’y sumakay sa sasakyan ni Senador Robin Padilla madaling araw noong Miyerkules. Iniuugnay din niya rito si Senate President Alan Peter Cayetano at ilang senador mula sa majority bloc.

Ayon pa kay Trillanes na hindi dapat palampasin ang insidente at dapat may managot, kabilang ang Sergeant-at-Arms at ilan pang awtoridad na nakaatas sa seguridad dahil umano sa kanilang kapabayaan.

Dagdag niya, batay sa kaniyang impormasyon ay nasa loob pa rin umano ng bansa si dela Rosa at nananatili muna sa Metro Manila para makiramdam sa mga kaganapan bago bumalik sa Mindanao.

Nanawagan din si Trillanes ng patas na imbestigasyon at sinabing dapat manguna rito ang National Bureau of Investigation (NBI) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) upang matukoy ang mga responsable sa insidente. (report by Bombo Cindy )