KORONADAL CITY – Umabot na sa humigit-kumulang 30 ektaryang palayan ang nasira sa isang barangay sa bayan ng Tantangan, South Cotabato dulot ng baha na resulta ng magdamag na pagbuhos ng malakas na ulan sa lalawigan.
Ito ang kinumpirma ni Tantangan Mayor Benjamin Figueroa sa panayam ng Bombo Radyo Korondadal.
Ayon sa alkalde, apektado sa ngayon ang mga magsasaka sa Purok Bayog at Purok Acacia sa Brgy. New Iloilo sa nasabing bayan matapos na nawasak ang gilid ng isang malaking sapa at umapaw ang tubig baha papunta sa palayan.
Sa katunayan, hanggang sa ngayon ay lubog pa rin sa tubig-baha ang nasabing mga lugar.
Aabot naman sa 120 na mga kabahayan ang apektado ng baha at pahirapan ang daanan sa ngayon.
Napag-alaman na nakatakda na sanang anihin ng mga magsasaka ang kanilang palay sa susunod na linggo ngunit dahil sa kalamidad ay wala na silang makukuhang produkto.
Sa ngayon, isinasagawa na ang pagsasaayos ng nasirang sapa at ang daanan ng tubig-baha upang humupa na ang baha at mabawasan ang epekto nito sa mga residente sa lugar.