Hindi bababa sa 2,500 na mga indibidwal sa Metro Manila ang naaresto ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office dahil sa ilegal na pagsusugal.
Ang datos na ito ay naitala mula ng isagawa ang anti-illegal gambling operation mula noong Hunyo 2 ng kasalukuyang taon.
Ayon kay NCRPO director Maj. Gen. Anthony A. Aberin, ang kanilang operasyon ay nag resulta sa pagkakakumpiska ng nasa P567,000 na cash na umano’y ginagamit sa pagtaya sa iba’t-ibang ilegal na sugal katulad ng “ending”, “loteng” at horse-racing bookies.
Kabilang sa kanilang inaksyunan ay ang mga sumbong mula sa mga lokal na residente na kanilang natanggap sa pamamagitan ng 911 calls.
Kaugnay nito ay nanawagan si Aberin sa publiko na ireport kaagad sa kanila ang mga makikita na illegal gambling activities para sa agarang aksyon.
Hindi rin aniya sila titigil sa kanilang mga ikinakasang operasyon hanggang hindi nalilinis ang mga lansangan mula sa mga ilegal na sugal.
Ang hakbang na ito ng NCRPO ay batay na rin sa direktiba sa kanila ni Philippine National Police Chief PGen. Nicolas Torre III.