Nakatakda nang ibiyahe patungo sa probinsya ng Basilan ang nasa higit 200 mga pasaway na pulis na iniharap noon kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa darating na Martes, February 21 ang iskedyul ng biyahe ng mga nasabing pulis patungong Basilan.

Sa panayam kay PNP chief police Director General Ronald dela Rosa sa PMA Alumni Homecoming sa Baguio City kanina, kaniyang sinabi na bandang alas-3:00 ng madaling araw sa Martes, isasakay sa C-130 ang mga nasabing pulis sa Villamor Air Base.

Hindi naman nagbigay ng eksaktong datos si Dela Rosa ng mga pasaway na pulis dahil sa nasabing araw din malalaman kung tuluyan nang mag-a-AWOL ang mga ito.

Samantala, sinabi naman ni PRO-ARMM regional police director, CSupt. Reuben Theodore Sindac na handa nilang tanggapin ang mga nasabing pulis at masusubukan ang tapang nila sa Basilan.