-- Advertisements --

Pumalo na sa mahigit 17,000 pamilya o nasa mahigit 69,000 indibidwal mula sa tatlong rehiyon sa bansa ang naapektuhan ng bagyong Hanna at habagat.

Ito ay sa Region 1, Region 3 at MIMAROPA (Mindoro-Marinduque-Romblon-Palawan).

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), karamihan sa mga pamilyang apektado ay lumikas na sa matataas na lugar habang mahigit 100 na pamilya o katumbas ng mahigit 400 indibidwal ang nananatili pa rin sa mga evacuation centers.

Aabot naman sa mahigit 400 lugar ang binaha dulot ng masamang lagay ng panahon.

Maliban sa Region 1, 3 at MIMAROPA, binaha rin ang CALABARZON (Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon), Bicol Region, Western Visayas at National Capital Region.

Batay sa ulat ng NDRRMC, unti-unti nang humuhupa ang baha sa ilang lugar.

Nabatid na nakapagtala rin ang NDRRMC ng 20 insidente ng landslide.