Posibleng papalo na sa 14,000 ang bilang ng mga health workers na nabakunahan ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccine matapos itong umpisahan noong nakaraang linggo.
Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario na as of alas-6:00 kahapon, nasa 13,639 na ang nagpabakuna ng covid vaccine sa 39 na vaccination site.
Pero kakaunti pa lamang ito sa bilang ng mga health care workers na aabot sa 1.8 million na top priority ng vaccination list.
Sinabi ni Vergeire na nasa 61 daw ang nakaranas ng adverse effects.
“As of 6 p.m. kahapon po (Friday) meron na po tayong 13,639 individuals na nabigyan na natin ng bakuna among our 39 vaccination sites. Kahapon din po base sa datos as of 6 p.m. meron ho tayong 61 adverse events following immunization,” ani Vergeire.
Inaasahan naman daw ng DoH na dadami pa ang bilang ng mga magpapabakuna dahil dumating na ang AstraZeneca vaccines.
Samantala, nagsimula na rin ang DoH sa rollout ng AstraZeneca COVID-19 vaccine ngayong araw.
Ito ay sa kabila na rin ng sinasabing hindi raw ito epektibo sa South Africa variant ng coronavirus.
Sinabi ni Vergeire, base sa report ng World Health Organization (WHO) epektibo pa rin naman daw ang naturang bakuna sa mga lugar na malawak ang transmission ng South Africa variant.
Kaugnay nito, pinawi naman ng DoH ang pangamba ng publiko sa mga kumakalat na posibleng mayroon nang community transmission na ang South African variant ng COVID-19.