-- Advertisements --
COMELEC

Nasa mahigit 100 nang aplikasyon ng mga party-list groups ang hindi inaprubahan ng Commission on Elections (Comelec) para sa May 9, 2022 national at local elections.

Ayon sa komisyon, kabuuang 107 na motion for reconsideration na inihain ng mga party-list groups ang ibinasura ng Comelec.

Base na rin ito sa Comelec Resolution 10735 na inilabas noong December 1.

Kabilang sa mga natanggal ang Nurses United, Ang Tanod, LGBTQ Plus, Solo Parents, Bahay Kubo, Pasahero, Pesante at Ayuda.

Sa ngayon, nasa 13 party-list groups naman ang pending ang registration kabilang na ang party-list nina dating Presidential Communications assistant secretary Mocha Uson na Mothers for Change, dating Metropolitan Manila Development Authority spokesperson Celine Pialago na Malasakit Movement at celebrity chef Boy Logro na Aangat Kusinerong Pinoy.

Pinayagan naman ng Comelec ang 165 party-list groups na makibahagi sa pag-raffle sa December 10 para malaman ang kanilang order of listing sa official ballot.

“Participation in the raffle is without prejudice to the resolution of the pending incidents and the exclusion on the official ballot, if applicable. At any time, prior to the publication of the final listing, the commission has the authority to exclude any party-list groups, organizations, or coalitions subject to the pending incidents,” base sa resolusyon.

Sa darating na halalan, pinapayagan lamang ang mga botante na bumoto ng isang party-list group.