LEGAZPI CITY – Sa evacuation centers na inabutan at nagdiwang ng Pasko ang mga residente na apektado ng malaking soil erosion sa Barangay San Roque, Malilipot, Albay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Francia Cas ng Malilipot Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), hanggang sa ngayon wala pa ring nahahanap na lupa ang lokal na gobyerno na gagawing relocation site na paglilipatan ng mga residente kung kaya nananatili pa rin ang mga ito sa San Roque Elementary School.
Binisita ng MDRRMO ang mga evacuees na nananawagan na mabigyan ng mga karagdagang pangangailangan kagaya ng maayos na mahihigaan, masusustansyang pagkain para sa mga may sanggol at iba pa.
Ayon kay Cas, araw-araw naman na nagbibigay ng relief goods ang lokal na gobyerno subalit aminadong kinukulang pa rin lalo na’t marami pa ang mga pangangailangan ng mga evacuees.
Maalalang noong nakaraang buwan ng tuloyan ng ilikas ang nasa 105 pamilya sa Barangay San Roque matapos na ideklara na itong “no mans land” dahil sa banta ng patuloy pa rin na pagguho ng lupa o soil erosion sa lugar.