-- Advertisements --

Mariing kinondena ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) president Cardinal Pablo Virgilio David ang labis na pagpapakita ng yaman ng ilang indibidwal, partikular na ng mga anak ng pulitiko, habang marami sa mga Pilipino ang naghihirap at walang makain.

Ayon kay David sa kanyang homily, kabastusan ang makitang may nagpo-post sa social media ng resibong nagkakahalaga ng P760,000 para sa hapunan ng apat na tao, halaga na hindi kayang kitain ng isang karaniwang manggagawa kahit sa loob ng tatlong taon.

Giit ni David, hindi ba’t isang kabastusan na magpakasasa habang ang karamihan ng mga Pilipino ay araw-araw na nakikipagbuno para lamang makapagpakain sa kanilang pamilya sa kabila ng mabibigat na trabaho at kakarampot na sahod? 

Binigyang-diin din ng Kardinal na lalo pang nagiging kahiya-hiya kapag ang yaman mula sa katiwalian ay ipinagmamalaki at itinuturing na modelo ng tagumpay.

Ipinunto rin niya ang hindi pagkakapantay sa pagpapatupad ng batas, kung saan isang mahirap na ama ng anim ang ikinulong dahil sa maliit na sugal na “cara y cruz,” habang wala pang napapanagot sa umano’y bilyon-bilyong pisong ghost projects sa flood-control.

Dagdag pa ng Kardinal, mas lalong nakagugulat na legal ang online gambling na madaling ma-access 24/7 gamit lamang ang cellphone, at mismong gobyerno ang nagsisilbing gambling lord.