Aabot sa mahigit 100 kongresista ang nagpunta sa Malacanang kagabi para pumunta sa hapunan na inihanda ni Pangulong Rodrigo Duterte, ayon kay Deputy Speaker Mikee Romero.
Nangyari ito sa harap ng umano’y pinaplano na namang coup d’etat sa liderato ng mababang kapulungan ng Kongreso.
Sa mga litrato na ibinahagi ni Romero sa kanyang Facebook account, makikita na naroon din sa Malacanang para sa naturang dinner si Speaker Lord Allan Velasco.
Kasama rin nila ang iba pang mga lider ng mababang kapulungan ng Kongreso, tulad na lamang nina Deputy Speaker Rufus Rodriguez at Kristine Singson-Meehan.
Ayon kay Romero, “casual dinner” lamang ito, kung saan nagpaabot din ng kanyang pasasalamat si Duterte sa mga mambabatas para sa legislative support na ibinigay ng Kongreso sa kanyang administrasyon.
Nagpasalamat din aniya si Velasco kay Duterte sa mga programa nito na dumaan sa Kamara.
Nauna nang pinabulaanan ni Majority Leader Martin Romualdez ang umano’y pinaplanong coup d’etat laban kay Velasco.
Iginiit niya na nakatuon ang kanyang atensyon sa ngayon sa trabahong nakabinbin sa Kamara.