-- Advertisements --
20201016 112143

Karagdagang 102 Dengvaxia case ang nakatakdang isampa ng Public Attorneys Office (PAO) sa Department of Justice (DoJ) sa susunod na buwan.

Sa ipinatawag na zoom press conference ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta, sinabi nitong 101 sa mga kaso ay kinabibilangan ng mga batang namatay matapos turukan ng Dengvaxia habang ang isa ay survivor.

Pero ayon kay Acosta, 97 pa lamang sa mga kaso ang nakahanda nang isampa sa Nobyembre.

Sinabi ni Acosta na dahil sa pandemic ay medyo naantala ang pagpa-file nila sa mga kaso.

Pero tiniyak nitong sa susunod na buwan ay personal na magtutungo ang PAO at magulang ng mga biktima sa DoJ para maghain ng kaso.

Ito na ang ika-anim na batch ng Dengvaxia case na isinampa ng PAO sa DoJ.

Sa ngayon aabot na sa 168 ang kabuuang Dengvaxia case na naisampa sa DoJ.