-- Advertisements --

Nananatili pa rin sa pagamutan ang apat sa pitong estudyanteng nasugatan sa naganap na insidente ng pamamaril sa Banga National High School noong Setyembre 18.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, sinabi ni Banga Mayor Albert Palencia na patuloy ang kanilang pagsubaybay sa lagay ng mga biktima habang nagpapatuloy rin ang pagdating ng tulong mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para sa mga mag-aaral at sa kani-kanilang pamilya.

Personal namang bumisita sa paaralan si Cabinet Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. upang kumustahin ang mga biktima, kung saan ipinaabot nito ang mensahe at tiyak na suporta mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Kaugnay ng insidente, iminungkahi ni Abalos ang mas mahigpit na regulasyon sa paggamit ng social media ng mga kabataan, kabilang ang pagbuo ng classification system para sa online content na katulad ng sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).

Samantala, pansamantalang isinasagawa ang modular classes sa Banga National High School habang pinangangasiwaan ang psychological at psychosocial assessment para sa mga na-traumang estudyante at guro.

Tiniyak naman ng pamunuan ng lokal na pamahalaan na makikipagtulungan ang LGU, Parents-Teachers Association (PTA), at school administration upang ayusin at patibayin ang perimeter fence ng paaralan bilang bahagi ng pagpapalakas sa seguridad ng mga mag-aaral.