-- Advertisements --

DAVAO CITY – Naniniwala ang munisipalidad ng Sto. Tomas, Davao del Norte, na kontaminadong tubig ang dahilan kung bakit nakaranas ng diarrhea ang ilang residente ng Barangay Tulalian na sakop ng nasabing lalawigan.

Pinangunahan ni Municipal Administrator Atty. Elisa Evangelista-Lapiña ang health efforts matapos na ilang mga residente sa lugar ang nagreklamo ng panananakit ng kanilang tiyan, pagsusuka at pagtatae na ilan sa mga sintomas ng diarrhea.

Sinasabing nasa 171 na o katumbas ng 128 pamilya ang minomonitor sa lugar.

Kaugnay nito, inatasan na ni Sto. Tomas Mayor Ernesto Evangelista ang Municipal Health Office (MHO) na agad ipadala ang kanilang mga tauhan para matugunan ang pangangailangan ng mga apektadong komunidad.

Ayon kay Municipal Health Officer Dr. June P. Lim, binigyan nila ng medical care kasama ang mga health personnel ang mga residente na nakaranas ng amoebiasis na makukuha sa mga kontaminadong tubig.

Patuloy naman ang inspeksyon ng Sanitation Team ng MHO at nagsagawa na ng tinatawag na chlorination sa tubig na pinagkukunan ng mga residente.

Pinaalalahanan din ang komunidad na mahalaga ang environmental sanitation para maiwasan ang kontaminasyon sa mga tubig na kanilang iniinom.