-- Advertisements --

(Update) DAVAO CITY – Lumobo na sa 1,000 residente ang inilikas matapos umapaw ang Caños River sa Digos City.

Inihayag ni Samuel Miralles, Local Disaster Risk Reduction Management Officer 4 ng Digos City, aabot sa 412 pamilya o 1,772 na indibidwal ang apektado ng pagbaha at ngayo’y pansamantalang tumutuloy sa Digos City Gym at Digos City National High School.

Nagmula ang naturang mga residente sa pitong barangay ng Digos City na nakaranas ng hanggang baywang at leeg na tubig baha na unang idinulot ng malakas na pagbuhos ng ulan at sa nararanasang high tide.

Ang mga barangay na ito ay kinabibilangan ng Barangay Aplaya, Dawis, Cogon, Sinawilan, Igpit, San Miguel at Zone 3 na pawang sakop ng Digos City.

Kaagad namang rumesponde ang Department of Public Works and Highways gamit ang mga heavy equipment nito para magsagawa ng road clearing operation sa natabunang mga daan bunsod ng gumuhong lupa.

Wala namang naiulat na mayroong namatay, maliban lamang sa mga residente na nagtamo ng maliit na sugat at nakagat ng ahas.

Nitong June 2 lang, patay ang magkapatid na Ronnel, 14-anyos, at Roxanne Laguna, 10, matapos matabunan ng gumuhong lupa ang kanilang bahay sa Purok Durian, Barangay Binaton, Digos City.