Dumating na sa bansa ang nasa mahigit 1,150,800 million doses na AstraZeneca vaccine na binili ng private sector at local government units.
Alas-10:00 ng umaga kanina ng dumating ang eroplano lulan ang Covid-19 vaccine.
Sinalubong ito nina Secretary Carlito Galvez Jr, National Task Force against COVID-19 chief implementer at vaccine czar, Health Secretary Francisco Duque III, Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion, at British Embassy in Manila deputy head of mission Alastair Totty.
Ayon kay Galvez, itong LGUs at private sector-procured vaccines ay nabili sa pamamagitan ng “A Dose of Hope” initiative sa pangunguna ni Concepcion sa ilalim ng tripartite agreement na nilagdaan sa pagitan ng private sector, LGUs, national government, at biopharmaceutical firm AstraZeneca.
Sinabi ni Galvez sa ngayon nasa kabuuang 6,858,900 AstraZeneca doses na ang dumating sa bansa kung saan 1,124,100 doses ang ibinigay o donasyon ng Japanese Government, habang ang 4,584,000 doses naman ay mula sa COVAX facility.
Samantala, bukas alas-7:00 ng umaga darating sa bansa ang nasa 1.5 million Sinovac vaccine at ang nasa 1.6 million J&J bandang alas-4:00 ng hapon.
Ang pagdating bukas ng J&J vaccine ay ang kauna-unahang shipment sa bansa.