Pinuri ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang data sharing agreement sa pagitan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Department of Education (DepEd), na magpapabilis sa certification ng mga senior high school students sa ilalim ng technical-vocational-livelihood (TVL) track na magbukas ng mas maraming oportunidad para sila ay makapagtrabaho.
Binigyang-diin ni Romualdez na ang pag-uugnay ng TESDA-Assessment Schedules Information System (ASIS) sa DepEd’s Learners Information System (LIS) ay mag-aalis ng mga sagabal sa scheduling at validation, upang masigurong ang mga SHS-TVL learners ay agad na masusuri at makakakuha ng certification.
Naglabas ng pahayag ang Speaker matapos lagdaan nina TESDA Secretary Francisco Benitez at DepEd Secretary Sonny Angara ang kasunduan upang i-integrate ang kanilang mga database para sa mga TVL learners sa buong bansa.
Upang tugunan ang mga pangamba ukol sa data privacy, malugod na tinanggap ni Speaker Romualdez ang katiyakan na parehong may mga itinalagang data protection officers ang dalawang ahensya at nagpapatupad ng mahigpit na mga pananggalang, kabilang ang encryption, multi-factor authentication, at breach notification protocols.
Pinagtibay ni Romualdez ang buong suporta ng House of Representatives sa pagpapatatag ng technical-vocational education, alinsunod sa layunin ni President Ferdinand R. Marcos Jr. na baguhin ang sistema ng edukasyon at masigurong bawat pamilyang Pilipino ay mayroong kahit isang miyembro na nagtapos ng kolehiyo o technical-vocational course.
Para sa 2026, nakalaan sa panukalang P19.96-bilyong budget ng TESDA sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) ang P18.39 bilyon para sa Technical Education and Skills Development Program.
May P505.906 milyon naman para sa Development, Implementation, Monitoring and Evaluation of Assessment and Certification Systems, kung saan P348.721 milyon ang nakalaan partikular para sa assessment ng mga SHS learners para sa national certification.