Binigyang diin ng Department of Health (DOH) na limitado pa rin sa ilang grupo ng indibidwal ang pinalawak pa na expanded testing sa COVID-19.

Kasunod ito ng anunsyo ng Health department noong Biyernes na kasali na rin ang mga asymptomatic o walang nararamdamang sintomas ng COVID-19 na indibidwal sa priority testing ng gobyerno.

Sa isang panayam sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire, kabilang sa mga prayoridad ng testing ang mga itinuturing na “high risk” asymptomatic individuals na posibleng carrier at makahawa ng sakit.

Kasali din daw dito ang mga nasa closed-setting areas tulad ng kulungan, at nursing homes. Pati na ang ibang frontliners ng gobyerno gaya ng PNP at Coast Guard personnel.

Una nang sinabi ng DOH na pati ang mga asymptomatic na walang sintomas pero na-exposed sa COVID-19 patients ay ite-test na rin, gayundin ang kanilang naging close contact. Kabilang na ang mga kamag-anak at katrabaho.

High-risk ding itinuturing ng ahensya ang mga pasyenteng nagda-dialysis, chemotherapy at nakatakdang operahan.

Sinabi ng infectious diseases expert na si Dr. Anna Ong-Lim na may implikasyon ang pagsasala ng mga ite-test mula sa malaking grupo ng mga asymptomatic.

“Gusto natin na pag tayo ay nagtetest ay yung may malaki-laking tsansa na magpa-positive sila or di kaya kung mag-positive man ang tinest natin ay napakalaki yung pakinabang nung positive test na yun sa paggagamot o sa pagsusuporta sa kanilang kalusugan.”

Ayon naman kay Usec. Vergeire, maituturing pa rin na pinaka-epektibo paraan laban sa pagkalat ng COVID-19 ang pagsunod sa health protocols ng pamahalaan.

Sa huling tala ng DOH, 54 na ang bilang ng certified laboratory para sa COVID-19 testing.