-- Advertisements --

Hindi raw habambuhay matatakbuhan nina Harry Roque at Cassandra Li Ong ang kanilang pananagutan sa bansa matapos kanselahin ng Pasig Regional Trial Court Branch 157 ang kanilang mga pasaporte.

Ayon kay Senate Committee on Women and Children Chairman Senadora Risa Hontiveros, nahaharap ang dalawa sa mabigat na kaso ng human trafficking. 

Nararapat lamang aniya na kanselahin ng korte ang kanilang mga pasaporte, lalo na’t tila tinatakasan nila ang batas ng Pilipinas.

Kumbinsido ang senadora na sa lalong madaling panahon ay maibabalik sila sa bansa upang harapin ang mga kasong isinampa laban sa kanila.

Hinimok din ni Hontiveros ang gobyerno na huwag huminto hanggang ang iba pang sindikatong kriminal na nagpapatakbo ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) scam hubs ay managot sa batas. 

Dagdag pa niya, ang pagkakakulong kay dating Bamban Mayor Alice Guo ay hindi pa katapusan ng kuwento.

Nahaharap sina Roque at Ong sa kasong human trafficking sa Pasig Regional Trial Court.

Ito ay kaugnay ng kanilang ugnayan sa POGO na Lucky South 99 sa Porac, Pampanga, na ipinasara na.

Kasalukuyang nasa Netherlands si Roque kung saan humihingi siya ng asylum, samantalang huling namataan si Ong sa Japan.