-- Advertisements --
IMG 20200421 182318

Nagbabala ngayon si Manila Mayor Isko Moreno sa patuloy na lumalabag sa enhance community quarantine (ECQ) lalo na’t ipatutupad na ang “hard lockdown” sa buong Sampaloc District sa Maynila.

Sinabi ng alkalde, nilagdaan na niya ang executive order (EO) na magpapatupad ng hard lockdown” sa naturang lugar.

Sa ilalim ng nasabing EO, 48-oras na isasailalim sa “hard lockdown” ang Sampaloc District para sa disease surveillance, rapid risk assesment at testing operations sa gitna ng banta ng COVID pandemic.

Epektibo ang “hard lockdown” simula alas-8:00 ng gabi ng Huwebes na tatagal hanggang alas-8:00 ng gabi sa Abril 25, araw ng Sabado.

Ayon kay Yorme, sa ilalim ng shutdown ang lahat ng residente ng Sampaloc ay pagbabawalang lumabas ng kanilang mga bahay liban lamang sa mga essential workers tulad ng mga doktor, nurses, pharmacists, funeral parlor employees at iba pa.

Sa tala ng Manila Health Department at Manila local government unit (LGU), hanggang alas-5:00 ng hapon nitong Lunes, nasa 99 na ang nagpositibo sa COVID cases at sa Sampaloc area ay mayroong 159 na suspected cases.

Ang Sampaloc ay mayroong 395,111 na populasyon o 83,565 households base sa huling survey.