CAGAYAN DE ORO CITY – Napasuko ng militar ang nasa halos 10 itinuturing na “hard core” members ng Dawlah Islamiyah-Maute group na unang nasa likod ng terror attack sa Marawi City noong 2017 sa bayan ng Piagapo, Lanao del Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni 103rd IB Philippine Army commander Brig Gen Jose Maria Cuerpo, ang pagsuko ng mga natititirang terorista ay bunsod ng walang humpay na focused military at civilian approaches partikular ng mga pagsisikap ng local government units ng Lanao Sur province.
Inihayag ni Cuerpo na tinungo ng sumukong mga terorista ang headquarters ng 82nd, Philippine Army headquarters para ipagkatiwala ang kanilang mga sarili upang tuluyang itakwil ang radicalism na ipinagsapilitan daw ng mga pinunong napatay ng militar noon na sina Omar Maute at Abdullah Maute sa loob ng main battle area ng Marawi City.
Sinabi ng heneral na kabilang sa mga terorista ay ang nagngangalang Calandada Pungima Lumondot alyas Tarapas na nasa frontline nang makipagbakbakan sa state forces simula Mayo hanggang Oktubre 2017.
Bitbit ng mga sumuko ang kanya-kanyang armas na kinabilangan ng rocket propelled grenade, M79 grenade launcher, KG9 at caliber .45.
Una nang nagdesisyon ang mga terorista na magsisuko dahil sa matindi na utos ng Pangulong Rodrigo Duterte na silang lahat pulbusin kung patuloy na manggugulo sa mga sibilyan na tahimik namumuhay sa nabanggit na probinsya.