CEBU – Handa nang makipag-“rock and roll” ang mga banda na kalahok sa Battle of the Bands ng Handog Pasasalamat ng Bombo Radyo at Star FM sa Sinulog 2020 sa Lungsod ng Cebu.
Mamayang alas-8:00 ng gabi magsisimula ang paligsahan na isasagawa sa harapan mismo ng Legislative Building ng Cebu City Hall o Plaza Sugbo.
Inaabangan ng mga Cebuano ang performance ng mga bandang Bulhot, Dritch, Landscape PH, Tribu Taguro, Square Root of 5, Kids to Kids, Knack Headz, Kingzscepter, at Fish Tempo.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Arwen Dave Yamed, lead guitarist ng bandang Krackheadz, sinabi nitong kahit na sila ang pinakabata sa mga lumahok na banda ay ipapakita nilang may ibubuga sila at tatapatan ang mga beterano na sa ganitong larangan.
Maliban sa mga kalahok na banda, tampok din ang live performance ng second runner-up at best interpreter sa Bombo Music Festival 2020 na Mr. Jose LG Fuentes.
Kakantahin nito ang kanyang winning piece na “LDR” at ang napanalunan nitong awit na “Panumpa” noong Bombo Music Festival 2018.
Samantala, magpapaulan din ang Bombo Radyo at Star FM Cebu ng mga libreng T-shirt para sa mga suwerteng tagapanood.