Pormal nang natanggap ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang kahilingan ng Estados Unidos na ipa-extradite sa kanilang bansa ang religious leader na si Pastor Apollo Quiboloy.
Ayon sa tagapagsalita ng DFA na si Analyn Ratonel, ipinasa na ng ahensya ang extradition request sa Department of Justice (DOJ) para sa kaukulang proseso.
Nahaharap si Quiboloy sa Estados Unidos sa mga kasong sex trafficking at racketeering.
Noong 2021, inakusahan siya ng mga prosecutor sa US na umano’y nanghikayat at nagsamantala ng mga kababaihan at menor de edad na nagsilbi bilang kanyang mga personal assistants.
Kabilang umano sa mga biktima ang mga edad 12 hanggang 25 taong gulang.
Matatandaang isinama rin si Quiboloy sa listahan ng Most Wanted ng Federal Bureau of Investigation (FBI).
Dito sa Pilipinas, kasalukuyang nakakulong si Quiboloy sa Pasig City Jail matapos siyang maaresto noong 2024.
Nahaharap din siya sa mga patong-patong na kaso tulad ng Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act at qualified human trafficking.
Una nang itinanggi ni Quiboloy ang mga paratang at naghain ng plea na not guilty sa mga kasong isinampa laban sa kanya.
Sinabi naman ng DOJ na wala pa itong natatanggap na pormal na abiso mula sa Estados Unidos.
Ngunit ayon sa umiiral na kasunduan sa extradition ng Pilipinas at US, ang DFA ang unang nakakatanggap ng ganitong kahilingan bago ito ipasa sa DOJ para sa nararapat na legal process.
















