-- Advertisements --

Umatras na sa kanilang mga naunang alegasyon ang apat na lalaking miyembro nang nagpakilalang dating bodyguard ni dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co.

Sa panibagong sinumpaang salaysay ng nagpakilalang mga security ni Co, sinabi nila na hindi umano totoo ang kanilang mga naunang salaysay na nag-uugnay kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dating House Speaker at Leyte 1st District Representative Martin Romualdez, Zaldy Co, at iba pang personalidad sa umano’y pamamahagi ng maletang pera.

Ayon sa kanila, pumirma sila noon sa joint affidavit dahil sa pangakong pinansyal na tulong at seguridad para sa kanilang mga pamilya. Ngunit ngayon daw ay nais na lamang nilang mamuhay nang tahimik dahil umano sa mga banta sa kanilang buhay at sa mga patong-patong na kinahaharap nilang kaso.

Tatlo sa apat na lalaki ang nagsabing ang kanilang naunang affidavit ay naisumite sa Office of the Ombudsman na ginagamit ngayon sa imbestigasyon kay Romualdez at iba pa.

Iginiit din nila na noong humarap sila sa Ombudsman, pinilit umano silang pumirma sa affidavit na gawa narin at pinagbantaang kakasuhan kung hindi susunod.

Gayunpaman, sinabi ng ”maleta boys” na kusang-loob nilang ginawa at nilagdaan ang kanilang bagong mga affidavit ngayon.

Dalawang buwan din umano nilang pinag-isipan na bawiin ang kanilang unang naging salaysay hanggang sa napagdesisyunan nilang humarap ngayon.

Bukod dito nag-iisip narin daw ang kanilang iba pang mga kasamahan na pumanig sa kanila.

Matatandaang noong Pebrero 2026, 18 na mga kalalakihan na nagpakilalang dating security personnel ni Zaldy Co ang nagsampa ng mga affidavit na nagsasabing naghatid umano sila ng mga maletang pera kina Pangulong Marcos, Romualdez, Co, at iba pang personalidad.

Patuloy pang hinihingi ng Bombo Radyo ang reaksyon ng Office of the Ombudsman at ng abogado ng mga dating bodyguard na si Atty. Levito Baligod kaugnay sa mga bagong alegasyon at pagbawi ng kanilang mga naunang affidavit.