-- Advertisements --

Nagulat ang organizer ng National Bank Open sa Canada sa bilis ng pagkaubos ng tickets sa mga laban ng Pinoy tennis star na si Alex Eala.

Ayon kay Karl Hale, tournament director ng WTA 1000 event, hindi inaasahan ang dagsa ng mga Pilipinong fans na sumuporta sa laban ni Eala kontra American player Alycia Parks nitong Huwebes, Agosto 6.

Sa naturang laban, nanaig si Eala sa score na 6-1, 4-6, 6-2 upang makapasok sa third round.

Bilang tugon sa dami ng Pinoy supporters, nag-alok ang organizers ng “adobo chicken” sa food court ng Sobey’s Stadium na may seating capacity na 10,077.

Ayon kay Hale, ito ang unang pagkakataon na nagdagdag ng espesyal na pagkain sa kalagitnaan ng torneo dahil lamang sa isang manlalaro.

Itinuturing ng mga organizers na patunay ang mainit na suporta kay Eala ng lakas ng komunidad ng mga Pilipino sa Canada.

Ang tagumpay at kasikatan ni Eala ay nagbigay ng kakaibang kulay sa torneo, na ngayon ay mas nakikilala hindi lamang sa larangan ng tennis kundi pati na rin sa pagpapakita ng kulturang Pilipino.