Naghain ang House Young Guns ng House Bill No. 10587 o West Philippine Sea Education Act upang maisama sa kurikulum ng mga paaralan ang angkop na edukasyon tungkol sa West Philippine Sea.
Layunin ng panukala na turuan ang mga estudyante tungkol sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea batay sa Konstitusyon, Philippine Maritime Zones Act, UNCLOS, at sa 2016 arbitral ruling.
Ayon sa mga may-akda, mahalagang mabigyan ang kabataan ng tama at batay sa ebidensyang impormasyon upang hindi malinlang ng maling impormasyon at propaganda.
Inaatasan din ng panukala ang Department of Education at Commission on Higher Education na bumuo ng pamantayang learning materials katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Nakasaad din na ang pagtuturo ay dapat manatiling hindi partisan, nakabatay sa ebidensya, at naaayon sa mga opisyal na polisiya at internasyonal na batas.










