Isinusulong nina House Majority Leader Sandro Marcos at Speaker Bojie Dy ang panukalang House Bill No. 10430 o Systems Loss Charge Abolition Act.
Layon ng nasabing panukala na alisin ang system loss bilang hiwalay na singil sa buwanang bayarin sa kuryente.
Sa ilalim ng panukala, hindi na maaaring ipasa sa mga consumer ang gastos na dulot ng power theft, sirang metro, mahinang koleksyon, kakulangan sa maintenance, hindi episyenteng operasyon at iba pang kapabayaan ng distribution utilities.
Pahihintulutan lamang ang Energy Regulatory Commission (ERC) na aprubahan ang pagbawi ng mga makatwiran at kinakailangang gastos para sa maayos na paghahatid ng kuryente.
Ipatutupad ng ERC ang reporma nang paunti-unti at inaasahang makukumpleto sa loob ng tatlong taon mula sa pagpapatupad ng implementing rules. Inaatasan din ang ahensya na magtakda ng minimum efficiency standards para sa mga distribution utility.
Kapag naisabatas, ilalabas ng ERC ang implementing rules sa loob ng 90 araw, at magkakabisa ang batas 15 araw matapos itong mailathala.















