-- Advertisements --

Ipraprayoridad ng Kongreso ang pagpasa sa natitirang Legislative-Executive Development Advisory Council (Ledac) measures ng Marcos administration sa muling pag-convene ng Kongreso ngayong Lunes, Hulyo 27.

Sa ngayon, ayon kay House Majority Leader Sandro Marcos, nasa 26 mula sa 52 priority bills ang na-endorso na sa konseho at target na ma-sustine ito sa ikalawang legislative year.

Titiyakin umano nilang makatutulong ang mga panukalang batas sa Pangulo lalo na sa mga mamamayang Pilipino upang unti-unting guminhawa ang kanilang buhay.

Kabilang sa mga nalalabing Ledac bills ang panukalang Cybersecurity Act, na nasa calendar ng kapulungan, habang inaantay pa ang commitee report kaugnay ng mga panukalang nagbabawal sa mga kaanak ng government officials mula sa pagkuha ng kontrata sa mga proyekto ng gobyerno .

Nakahanda naman na para sa final approval ang mga amendment sa Cooperative Code at panukalang batas na nagdedeklara ng National Thanksgiving Day tuwing ika-apat ng Nobiyembre.

Nakabinbin naman ang siyam na iba pang priority bills sa appropriations committee, kabilang ang mga panukala para mapahusay ang transparency sa government spending at ang 15 na iba pang panukalang batas ay nasa kamay pa ng technical working groups.